Pumasok na sa mainstream market sa United States ang Mega Sardines, na naglalayong palawakin ang presensya ng produktong gawa sa Pilipinas sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Mega Sardines founder at Vice Chair Marylou Tiu Lim, malaking hamon para sa mga produktong Pinoy ang makapasok sa mainstream market sa US, kung saan karaniwang nasa ethnic aisles at Filipino stores ang mga sardinas.
Binigyang-diin ni Lim na kontrolado ng kumpanya ang proseso mula pangingisda hanggang pag-iinsara, habang mahigit 50 taon na rin itong nasa industriya ng pangingisda.
Samantala, sinabi ni Chairman William Tiu Lim na hindi nila unang layunin na maging global brand, kundi makagawa ng dekalidad at masustansiyang produkto para sa mga Pilipino.
Ayon kay William, nakatulong sa pagpasok ng Mega sa US market ang kanilang “from catching to canning” process, mga inobasyon sa pangingisda at product certifications.
Umaasa ang Mega na mas marami pang produktong Pilipino ang makapasok sa international market sa pamamagitan ng Tatak Pinoy. Patunay umano ang kanilang tagumpay na kayang makipagsabayan ng mga produktong gawa sa Pilipinas sa pandaigdigang merkado.