Nasa tinatayang 38,000 pamilya o katumbas ng 156,310 na mga residente sa Metro Manila ang naapektuhan ng malakas na pag-ulan at pagbahang dulot ng Enhanced Southwest Monsoon o Habagat.
Batay sa DSWD-NCR DROMIC SitRep, may kabuuang 752 internally displaced persons (IDPs) ang kasalukuyang nasa walong evacuation centers sa NCR at patuloy pa itong nadaragdagan.
Mabilis naman ang tugon ng DSWD-NCR sa mga apektado na agad naghatid ng paunang tulong.
Katunayan, aabot na sa halos ₱35-milyon ang halaga ng humanitarian assistance na naipamahagi nito sa mga apektadong komunidad.
Patuloy namang mino-monitor ng DSWD-NCR, sa pamamagitan ng Disaster Response Management Division (DRMD), ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa mga concerned Local Government Units (LGUs) at disaster response partners para matukoy ang mga lugar na nangangailangan ng agarang tugon o karagdagang tulong.
Nananatiling naka-heightened alert din ang DSWD-NCR para magbigay ng kinakailangang response at augmentation support sa mga apektadong LGU at komunidad.