📷 PCO
Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mga programang direktang nagbibigay ng pakinabang sa mamamayan, lalo na sa mga pinakamatinding nangangailangan at mahihirap.
Ibinahagi ito ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa lalawigan ng Negros Oriental upang pangunahan ang pamamahagi ng tulong sa pagkain at educational grants para sa mga local barangay at mga mag-aaral sa kolehiyo.
Sa kanyang talumpati sa programang “Bawat Bayan Makikinabang” sa Dumaguete City, sinabi ni Pangulong Marcos na labis siyang na galak sa pinakabagong ulat at datos na nagpapakitang may magandang epekto at totoong nakakatulong ang social support programs ng gobyerno.
“At natutuwa naman ako, kakarating lang ng bagong istatistiko, naibigay sa akin noong isang araw at sinabi na mula noong sinimulan natin itong mga programang ito, six and a half million Filipinos have been removed from poverty,” pahayag ni Pangulong Marcos, kung saan binigyang-diin niya na nangangahulugan itong 6.5 milyong Pilipino na ang nakawala sa kagutuman.
“Kaya’t maganda naman ang naging epekto. Ako’y natutuwa na ‘yung ating mga ginagawa ay mayroon talagang natutulungan at marami talaga tayong naiaahon sa kagutuman at sa kahirapan. Kaya po, ito ay papatuloy po natin.”
Tulong sa Edukasyon at mga Barangay
Bukod sa pamamahagi ng tulong sa pagkain, pinangunahan din ng Punong Ehekutibo ang ceremonial turnover ng cash support para sa 15 estudyante kung saan bawat isa ay nakatanggap ng ₱20,000 mula sa Dumaguete City at dalawa pang katabing bayan.
“Sana mapakinabangan ninyo itong mabuti para makapagtapos kayo. Dahil ang pag-aaral ay ibang klaseng biyaya ‘yan,” payo ng Pangulo sa mga naging presidential scholars. “Dahil ito ay makakatulong sa sarili ninyo para pagandahin ang buhay ninyo, para pagandahin ninyo, tulungan ninyo ang iyong mga pamilya, tulungan ninyo ang mga community ninyo.”
Layunin ng pamahalaan na palakasin ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan (LGU) sa pamamagitan ng direktang paglalabas ng pondo sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) at Socio-Civic Projects Fund (SCPF) upang mas mabilis at mas epektibong makarating ang ayuda sa mga benepisyaryo.
Batay sa huling talaan:
- LGSF-Financial Assistance to LGUs (FALGU): Umabot sa 1,281 LGU ang nakatanggap ng kabuuang ₱22.32 bilyon para pondohan ang mga proyekto sa pamamahagi ng bigas.
- SCPF-Bawat Barangay Makikinabang Program: Naglabas ang gobyerno ng kabuuang ₱7.66 bilyon kung saan nakatanggap ang bawat barangay ng ₱200,000. Sa pangkalahatan, nasa 38,279 barangay na ang naabutan ng suportang ito.
Pamamahagi ng Bigas at Iskolarship sa Negros Oriental
Sa naturang pagtitipon, isinagawa rin ang paunang pamamahagi ng 10-kilogramong sakong ng de-kalidad na bigas para sa 2,230 benepisyaryo mula sa dalawang barangay sa Dumaguete City. Inaasahang humigit-kumulang 386,673 benepisyaryo sa buong lalawigan ng Negros Oriental ang makikinabang sa LGSF-Bagong Pilipinas Rice Program.
Samantala, may kabuuang 2,785 na Bagong Pilipinas Presidential Scholars ang suportado sa buong Negros Oriental, kung saan may limang iskolar na nagmumula sa bawat isa sa 557 barangay ng lalawigan.