Nananatiling matatag ang pamahalaan na ituloy ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) alinsunod sa nakatakdang iskedyul nito, ayon sa pahayag ng Malacañang ngayong Lunes.
Binigyang-diin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magpatuloy ang halalan bilang bahagi ng transisyon tungo sa mas matatag na demokratikong pamamahala sa rehiyon.
“Katulad ng nabanggit natin na mensahe ng Pangulo, hindi po ito (ambush) makakapigil sa anumang balak na magkaroon ng tuloy-tuloy na pagbabago para sa pagkakaroon ng pamahalaang demokratiko sa komunidad ng BARMM,” pahayag ni Castro.
Ayon sa Malacañang, itinuturing ng Commission on Elections (COMELEC) na isang “isolated incident” o hiwalay na kaganapan lamang ang nangyaring pag-atake kay Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua. Idinagdag din ni Castro na batay sa pagtatasa ng COMELEC, pangkalahatang mapayapa naman ang buong rehiyon ng BARMM.
Nakaligtas si Macacua sa ambush noong Sabado, Agosto 15, nang paulanan ng bala ng mga armadong kalalakihan ang kaniyang convoy sa kahabaan ng pambansang hi-way sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Tinamaan ng bala ang tatlong sasakyan sa convoy, kabilang ang bulletproof na Toyota Land Cruiser na kinasasakyan ni Macacua, ngunit walang nasaktan sa kaniyang grupo.
Nangyari ang pag-atake matapos dumalo si Macacua sa pagtitipon ng Bangsamoro Federalist Party sa kaniyang bayan sa Barangay Gambar, Mother Kabuntalan, kung saan opisyal niyang tinanggap ang pamumuno bilang chairman ng partido.
Patuloy naman ang malalimang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) upang matukoy ang mga nasa likod ng krimen. Inatasan na rin ni Pangulong Marcos ang mga ahensya ng pamahalaan na higpitan ang seguridad sa rehiyon at panagutin ang mga may sala, habang nanawagan ng pagiging kalmado at paggalang sa karapatan ng bawat isa.
Para sa karagdagang impormasyon at opisyal na updates ukol sa halalan sa rehiyon, maaaring bisitahin ang opisyal na portal ng Commission on Elections (COMELEC)