Usec. Castro
Hinimok ng Malacañang ang publiko na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang uri ng pang-aabuso o anomalya sa pagpili ng mga benepisyaryo ng Presidential Scholarship Program.
Sa isang press briefing, binigyang-diin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na layunin ng pamahalaan na matiyak na ang tulong pinansyal ay makararating sa mga tunay na nararapat at nangangailangang estudyante.
Nagmula ang pahayag ng Malacañang kasunod ng mga ulat sa social media hinggil sa umano’y pagpili sa anak ng isang opisyal ng barangay bilang isa sa mga naging scholar. Nilinaw naman ni Castro na hindi awtomatikong diskwalipikado ang mga kamag-anak ng opisyal ng barangay basta’t natutugunan nila ang lahat ng kwalipikasyon at pamantayan ng programa.
Sa ilalim ng programa, ang bawat napiling benepisyaryo ay tatanggap ng ₱20,000 na tulong-pinansyal. Nakalaan ang scholarship para sa mga graduating college student na nanganganib na hindi makatapos dahil sa kakulangan sa pinansyal na kakayahan. Ang pagpili ng mga scholar ay pinangangasiwaan ng mga opisyal ng barangay kasama ang Sangguniang Barangay Education Committee, sa pakikipagtulungan sa Liga ng mga Barangay, Department of the Interior and Local Government (DILG), at Office of the President.
Maaaring iulat ang anumang reklamo o maling pamamalakad sa mga sumusunod na tanggapan:
- Liga ng mga Barangay National Office
- Department of the Interior and Local Government (DILG)
- Presidential Communications Office (PCO)
- Office of the President (OP)
Tiniyak ng Malacañang na bukas ang pamahalaan sa pagtanggap ng mga reklamo upang mapanatili ang integridad ng mga programa ng Pangulo para sa kabataan.