Sumampa na sa mahigit 8 libo ang mga silid-aralan na naitalang napinsala dulot ng masamang panahong dala ng Habagat.
Batay ito sa datos ng Department of Education – Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (DepEd-DRRMOC) mula sa 1,439 paaralan sa buong bansa.
Sa bilang na ito, 5,039 silid-aralan ang nagtamo ng bahagyang pinsala, 1,804 ang nagtamo ng matinding pinsala, habang 1,780 naman ang tuluyan nang nawasak.
Pinakamarami sa mga napinsalang silid-aralan ay nasa Central Luzon, na sinundan ng Ilocos, Cordillera, CALABARZON, Eastern Visayas, MIMAROPA, NCR, Cagayan Valley, Negros Island Region, at Western Visayas.
Nasa 917 silid-aralan mula sa 244 paaralan naman ang ginagamit bilang evacuation center ng 7,634 pamilya sa pitong rehiyon sa bansa.