Inilunsad ng GCash ang bagong Security Center sa app nito upang palakasin ang proteksyon ng users laban sa unauthorized transactions at financial scams.
Kabilang sa mga bagong feature ang Lock My Account para agad na ma-freeze ang account, Money Lock para maprotektahan ang bahagi ng laman ng wallet, at Subscription Center para makita at ma-unlink ang mga konektadong merchant at app.
Sa Lock My Account, maaaring harangin ang outgoing transactions at pagbabago sa account information kapag may kahina-hinalang aktibidad o posibleng scam. Maaari ring gamitin ang feature kahit hindi ma-access ang GCash app, gaya kapag nanakaw o nakompromiso ang cellphone.
Para muling ma-unlock ang account, kailangang dumaan ang user sa enhanced authentication at verification process.
Nakaayon ang Security Center sa mandato ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa ilalim ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) para palakasin ang proteksyon ng consumers laban sa cybersecurity threats at financial scams.