Photo courtesy of Department of Budget and Management (DBM)
Malugod na ibinalita ni DBM Acting Secretary Kim De Leon sa briefing ng Development Budget Coordination Committee sa Kamara na nailabas na nila ang Special Allotment Release Order o SARO para sa halos ₱10 bilyong pambayad sa arrears ng mga state universities and colleges o SUCs.
Ayon kay De Leon, gagamitin ang pondo para bayaran ang naipong obligasyon sa Free Higher Education program sa nakalipas na tatlong academic years.
Aniya, bahagi ng halos ₱10 bilyong inilabas na pondo ay nagmula sa Higher Education Trust Fund, bukod pa sa alokasyon para sa higher education sa 2026 General Appropriations Act.
Sinabi ni De Leon na naipasa na sa Commission on Higher Education ang authority para mailabas ang pondo sa 108 state universities and colleges.
Inaasahang mada-download na ng CHED ang pondo para sa mga SUC simula ngayong linggo upang magamit sa kanilang operasyon.
Bukod sa pambayad sa arrears, maaari rin itong gamitin para sa dagdag na imprastraktura, academic buildings, laboratories at kagamitan.
Ayon kay De Leon, magpapatuloy ang dagdag na suportang ito hanggang 2027 upang matugunan ang pangangailangan ng mga state universities and colleges.