Nagpaalala ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA na kabilang ang kanilang mga estudyante sa suspendido ang pasok kapag nagdeklara ang mga lokal na pamahalaan o national government ng suspensyon ng klase sa lahat ng antas.
Sa inilabas na information video ng TESDA, nilinaw ni Secretary Kiko Benitez na awtomatikong kasama sa suspension ang mga technical-vocational institutions, private learning centers at TESDA technology institutions.
Ang TESDA ay kabilang sa tertiary level of education kaya kapag all levels ang deklarasyon, walang pasok sa kanilang mga institusyon.
Kapag naman may nakaiskedyul na assessment sa araw ng deklarasyon, nakadepende ito sa assessors at assessees kung itutuloy.
Paalala ng TESDA, prayoridad ang kapakanan ng kanilang mga enrollees, lalo na sa panahon ng kalamidad.