Nakahanda ang sapat na supply ng gamot para tugunan ang pangangailangan ng mga ospital at lokal na pamahalaan sa mga lugar na maaaring makapagtala ng mga sakit dahil sa ulan at baha.
Ayon sa DOH, aabot sa 3.1 milyong doxycycline capsules ang nakaabang sa Department of Health, na sapat para tugunan ang pangangailangan sa gamot para sa mga kaso ng leptospirosis ngayong tag-ulan.
Sa ngayon, binabantayan ng DOH ang posibleng pagtaas ng kaso ng nasabing sakit.
Abiso ng DOH sa publiko, maaaring makakuha ng reseta mula sa kanilang healthcare providers upang makakuha ng doxycycline sa mahigit 3,000 PhilHealth-accredited GAMOT providers sa buong bansa.
Sa huling tala ng DOH noong August 8, may kabuuang 3,440 kaso ng leptospirosis sa bansa. Mas mababa ito ng 35 porsiyento kumpara sa 5,318 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.