Siniguro ng Employees Compensation Commission (ECC) na may nakalaang benepisyo ang pamahalaan sa mga empleyado ng pribadong kumpanya na nasaktan o naaksidente papasok o pauwi ng trabaho lalo na sa gitna ng kalamidad.
Sa isang panayam kay Atty. Kaima Velasquez, Executive Director ng ECC sinabi nito na kung sakali man na may madulas, mahulog o anomang aksidente na mangyari sa empleyado habang pauwi o papunta ito ng trabaho ay pasok ito sa ECC compensation package.
Kahit pa hindi nakapagtime-in dahil sa aksidente ay maaari pa rin makakuha ng benepisyo.
Ang maaari naman nilang makuha ay income benefits para sa sahod sana na hindi nila nakuha dahil sa hindi nakapasok at iba pa ito sa income benefits na binibigay ng Social Security System (SSS).
Maaari rin magkaroon ng medical reimbursement ang mga manggagawa na kayang ibigay sa kanila hanggang 60% ng kanilang nagastos sa pagpapadoktor o pagpapaospital basta’t may kaukulang resibo.
Para maiproseso ang mga benepisyo ay lalapit ang mangagagwa sa kanilang employer o Human Resource Officer upang makapagpatulong na makapag-apply sa ECC at SSS.
Kahit naman mga delivery riders at virtual assistance ay makakakuha rin ng kanilang benepisyo ngunit personal silang mag-aapply sa SSS para sa claims at sa ECC
Ayon kay Velasquez, sisiguruhin nilang mabilis na makukuha ng mga manggagawa ang kanilang benepisyo at sisikapin na ipoproseso ito sa loob lang ng tatlong araw.