Hindi magbabago ang alyansa sa pagitan ng Pilipinas at Amerika at mananatili pa itong matatag.
Ito’y ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) kasunod ng paglisan ng Aircraft Carrier ng Amerika na USS George Washington sa bahagi ng Pasipiko makaraang ipadala ito sa Gulf region.
Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS), retired RAdm. Roy Vincent Trinidad, sa katunayan ay marami nang nakahanay na aktibidad na ikinasa ng Mutual Defense Board – Security Engagement Board na naisakatuparan ngayon.
Pero sinabi ni Trinidad, na mahigpit pa ring tinututukan ng AFP ang pambansang seguridad habang naka-alalay naman ang iba pang mga kaalyadong bansa gaya ng Australia, Japan at New Zealand.
Kasabay ng deployment ng barkong pandigma ng Amerika sa gulf region, ini-ulat ng AFP ang pagdami ng presensya ng China Coast Guard (CCG) vessel gayundin ng mga research vessel ng Tsina sa WPS sa unang semestre ng 2026.