Nanawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa Kongreso na buwagin na ang Republic Act 8294 o mas kilala bilang Robin Padilla Law.
Ito ang batas na nagpapaluwag sa regulasyon ng pagmamay-ari o pag-iingat ng armas gayundin sa mga parusang ipinapataw sa sinumang lumalabag dito.
Ginawa ng kalihim ang pahayag makaraang makumpirmang pagmamay-ari ng isang Customs Police ang armas na ginamit ng anak nito na sangkot sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University kahapon.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame, sinabi ni Remulla na dapat magpanday ng batas para pabigatin ang parusa sa mga pabayang gun owner.
Batay sa kasalukuyang batas kasi, maaaring makapagpiyansa ang sinumang magmamay-ari ng loose firearm na posibleng magamit sa iba’t ibang krimen.
Kasama na aniya rito ang mga miyembro ng unipormadong hanay, aktibo man sa serbisyo o retirado.
Samantala, sinabi ni Remulla na bagaman hindi pa kumpirmado, nakatanggap sila ng impormasyon na posibleng naimpluwensyahan ng larong ROBLOX ang 15-taong gulang na Child in Conflict with the Law (CICL) na siyang namaril sa kaniyang mga kamag-aral.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente na ikinasawi ng dalawa kabilang na ang CICL habang isasailalim sa digital forensic investigation ang gadgets nito upang matukoy ang posibleng motibo sa krimen.
Paliwanag ng kalihim, hindi na-inspeksyon ang baril na ginamit ng suspek dahil inihatid ito lulan ng sasakyan ng ama at nag-livestream pa nang ginawa ang pamamaril sa website na “watchpeopledie.com.”
Samantala, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang kahalagahan ng pagbura sa social media video ng insidente sa Ateneo de Zamboanga.