Naglabas ng abiso ang Department of Foreign Affairs (DFA) na may bago nang guidelines para sa mga Pilipino o Philippine Passport Holders na maaaring mag-avail ng visa-on-arrival sa United Arab Emirates.
Sa ilalim ng guidelines, ang mga PIlipinong may valid na residency permit na lang sa Japan, Australia, Canada, South Korea, Singapore at New Zealand ang kasama sa maaaring mag-apply para sa visa-on-arrival sa entry points ng UAE. Kapag non-resident visa ay hindi na pasok na mag-apply para dito.
Pero ang mga may valid visa at residence permit sa Estados Unidos, European Union at United Kingdom ay kasama pa rin naman sa mga maaaring makapag-avail ng visa-on-arrival.
Kinakailangan naman valid ng hindi bababa sa 6 months ang visa at residence permit para makapag-apply nito. At ito lang ay para sa mga bibisita sa UAE ng 14 days na maaaring ma-extend ng 14 days ulit at non-extendable naman na 60-days stay.
Para naman makapag-apply, maaari itong gawin sa UAE airports via ICP Smart Services website.
Paalala naman ng DFA, hindi pa rin automatic ang visa-on-arrival at ito pa rin ay kailangan i-approve ng UAE Immigration Authorities.