Nanawagan si Department of Education Secretary Sonny Angara sa mga magulang, guro, paaralan at Parents-Teachers Association o PTA na magtulungan upang matugunan ang mga suliraning may kaugnayan sa kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.
Ito ang mensahe ng kalihim matapos ang kanyang pagbisita sa Junior High School Building ng Ateneo de Zamboanga University kung saan nangyari ang shooting incident nitong Martes na ikinasawi ng dalawang estudyante.
Ayon kay Sec. Angara, mahalaga ang pagtutulungan ng mga magulang at paaralan upang maagapan ang mga ganitong insidente at matiyak ang seguridad hindi lamang ng mga mag-aaral kundi pati na rin ng mga guro at mga staff ng mga eskwelahan.
Binanggit din ng kalihim sa isang panayam ng media na bukod sa pagpapatupad ng security measures at pagsasagawa ng active shooter drills, mahalaga ring bantayan ang psychological at socio-emotional learning ng mga mag-aaral.
Aniya, isa itong pangmatagalang usapin na kailangang tutukan dahil hindi madaling malaman kung ano ang pinagdaraanan o nasa isip ng isang bata.
Hinihikayat ng kalihim ang mga magulang at paaralan na maging mapagmatyag, makipag-ugnayan sa isa’t-isa at agad na tugunan ang anumang senyales ng problema upang maprotektahan ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral.