Screenshot
Kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang estudyante, iginiit ni Senator Mark Villar ang agarang pagpasa ng panukalang batas na layong palakasin ang seguridad at kaligtasan sa mga paaralan.
Mariing kinondena ni Villar ang insidente at nanawagan ng mas komprehensibong hakbang para maiwasan ang karahasan sa mga paaralan.
Kaya naman itinutulak ng senador ang Senate Bill No. 2321 o LIGTAS Act, na naglalayong magpatupad ng mas matibay na sistema para sa school safety at security sa mga basic education institutions sa buong bansa.
Kabilang sa ipinapanukala dito ang mas maagang pagtukoy at pag-uulat ng mga banta, koordinasyon ng mga paaralan at law enforcement agencies, emergency response protocols, regular drills, first aid preparedness, at crisis counseling.
Kasabay nito, isinusulong din niya ang Senate Bill No. 2133 o Students’ Guidance Counseling Act, na naglalayon namang palakasin ang guidance at school-based mental health services para sa mga estudyante.
Giit ni Senator Mark, hindi lang pagbabantay sa gate at silid-aralan ang school safety. Kailangan ding, aniyang, may sistema para matukoy ang mga posibleng banta at may mga propesyunal na handang makinig, gumabay at umaksyon bago lumala ang isang sitwasyon.
Sinabi ng senador na dapat samahan ng konkretong aksyon ang pakikiramay sa mga biktima para matiyak na ligtas ang mga estudyante sa paaralan at makauuwi sila nang ligtas sa kanilang mga pamilya.