Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan ang pagpapatupad ng isang “holistic approach” at mas mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) upang masolusyunan ang matagal nang problema sa pagbaha sa bansa.
Sa isang press briefing sa Malacañang noong Martes, binigyang-diin ni DPWH Secretary Vince Dizon na bukod sa pangmatagalang solusyon, ang pangunahing bilin ng Pangulo ay ang mabilisang aksyon.
Ayon kay Dizon, binigyang-diin ng Pangulo na kailangang maging maayos ang koordinasyon ng DPWH sa mga LGU, lalo’t isa sa mga naging paulit-ulit na reklamo ng mga lokal na opisyal sa mga nakalipas na taon ay ang pagpapatupad ng mga flood mitigation project nang hindi ipinagbibigay-alam sa kanila, tulad ng nangyari sa Lungsod ng Quezon.
Inamin ng kalihim na ang mga komprehensibo at pangmatagalang solusyon ay nangangailangan ng panahon at walang agarang solusyon sa problemang dekada nang kinakaharap ng bansa, ngunit ang direktiba ng Pangulo ay bilisan ang pag-aksyon.
Binanggit din ni Dizon na bagama’t may mga unti-unting pagbabago o “small improvements” na nakikita, hindi pa ito sapat kaya kinakailangang patuloy na pabilisin ang mga proyekto.
Dahil dito, tiniyak ng DPWH na lahat ng flood control efforts ng ahensya ay nakatugma na ngayon sa master plan ng mga LGU. Idinagdag pa ng kalihim na ang mga proyekto tulad ng drainage master plan at ang mga iminumungkahing proyekto para sa 2027 budget ay kakailanganin muna ng sertipikasyon at pag-apruba mula sa mga regional at local development councils, pati na rin sa mga mismong LGU bago ito ipasok at simulan.
Samantala, patuloy rin ang DPWH sa mga mabilisang proyekto para sa pagpigil sa baha, tulad ng pagtatakip sa mga “gap” o sirang bahagi ng flood control structures, katulad ng tugon ng ahensya sa kahilingan ng LGU ng Navotas City.
Inilabas ang mga pahayag na ito kasunod ng mga katanungan ng media hinggil sa mga bagong direktiba ng Pangulo matapos makaranas ng malawakang pagbaha ang malaking bahagi ng Metro Manila.