Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na sapat ang suplay ng pagkain na nakaimbak sa mga bodega nito sa buong bansa para tugunan ang pangangailangan ng mga apektado ng pagbaha dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan dahil sa Habagat.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., pinaigting ng ahensya ang pamamahagi ng relief assistance sa mga lugar na nakaranas ng matinding pag-ulan at pagbaha.
“Hindi dapat mag-alala ang ating mga kababayan, may sapat na pagkain na nakaimbak sa mga bodega ng DSWD nationwide, kung ano pang darating, ready naman ho ang inyong pamahalaan,” ang pahayag ng Kalihim
Ayon kay Gatchalian, mahigpit na mino-monitor ng DSWD ang distribusyon ng relief goods sa mga lugar na apektado upang matiyak na maayos, mabilis at sistematikong nakararating ang tulong sa mga pamilyang nangangailangan.
Bagama’t nakatalaga sa mga local government unit o LGU ang last-mile distribution ng relief goods, patuloy na dinaragdagan ng DSWD ang kanilang resources at mino-monitor ang paghahatid ng ayuda.
Inihayag din ni Gatchalian na personal na tututukan ng mga opisyal ng DSWD ang relief operations sa Quezon City, Macabebe at Bacolor sa Pampanga, gayundin sa Hagonoy at Calumpit sa Bulacan, upang matiyak na maayos ang distribusyon ng assistance.
Batay sa pinakahuling datos hanggang ngayong Agosto 18, nakapagpalabas na ang DSWD ng 1,057,972 family food packs sa buong bansa, partikular sa Central Luzon, Region 4-A, Ilocos Region at Cordillera Administrative Region.
Bukod dito, umabot na sa Php12.74 milyon non-food items ang naipamahagi ng ahensya, kabilang ang kitchen kits, sleeping kits, hygiene kits at family clothing kits habang umabot na sa PhP717 milyon na ang kabuuang halaga ng humanitarian assistance na naipamahagi ng DSWD.
“Nag-release na rin tayo ng 12,740 na non-food items. These are the other kits. Yan yung mga kitchen kit, sleeping kits, hygiene kit, family clothing kit. Total cost of humanitarian aid is at close to 717 million already. We project the numbers to keep on going up kasi even as of this morning, we’re still getting new requests for augmentation ng mga local government units,” dagdag pa ng Kalihim.