Tiniyak ng Malacañang sa publiko na sapat ang supply ng mga gamot para sa mga sakit na nauugnay sa pagbaha, tulad ng leptospirosis, habang patuloy ang pag-ulan at pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan dulot ng hanging Habagat.
Sa isang press briefing sa Palasyo noong Martes, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nagbigay na ng kasiguruhan ang Department of Health (DOH) ukol sa sapat na imbentaryo ng mga kinakailangang gamot.
“Kahapon nabigyan tayo ng impormasyon na sapat naman ang mga gamot para dito,” pahayag ni Castro nang tanungin tungkol sa supply ng mga gamot para sa leptospirosis tulad ng doxycycline.
Ang leptospirosis ay isang impeksyong mula sa bacteria na nagmumula sa tubig-baha na nahaluan ng ihi ng daga o iba pang hayop.
Nanawagan din si Castro sa mga nakararanas ng anumang sintomas ng sakit na agad na magpatingin sa pinakamalapit na pasilidad ng kalusugan.
Bukod dito, hinimok ng opisyal ang publiko at ang mga lokal na pamahalaan na agad na ipagbigay-alam sa DOH o PCO sakaling magkaroon ng shortage o kakulangan ng gamot sa kanilang mga komunidad.