Nagpaabot ng malaking pasasalamat ang mga estudyante mula sa Negros Oriental kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos silang makatanggap ng tulong-pinansyal sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF) initiative ng Tanggapan ng Pangulo.
Personal na pinangunahan ng Pangulo noong Lunes ang ceremonial turnover ng ₱20,000 na tulong-pinansyal sa 15 Bagong Pilipinas Presidential Scholars, na kumakatawan sa 250 mga iskolar mula sa Lungsod ng Dumaguete, pati na rin sa mga bayan ng Valencia at Bacong.
Isa sa mga nakatanggap ng grant si Vieyah Angela Vicente, 21, isang ika-apat na taong estudyante ng BS Nursing sa Negros Oriental State University. Ayon kay Vicente, napakatimely o napakataon ng tulong na ito lalo na sa tulad niyang graduating student.
“Para po sa akin, napakalaking tulong ito sa, hindi lang sa akin, pati rin po sa aking pamilya, lalo na graduating students, so marami talagang bayarin sa pag-aaral,” pahayag ni Vicente. Binigyang-diin niya na malaking bawas-gastusin ito sa mga requirement para sa pagtatapos at sa kanilang On-the-Job Training (OJT).
Nagmula sa isang simpleng pamilya si Vicente kung saan ang kanyang ama ay nagtatrabaho sa isang pribadong ahensya sa Dumaguete City. Sa kanilang magkakapatid, dalawa silang kasalukuyang nasa kolehiyo habang ang dalawa pa ay nasa mataas na paaralan. Umasang magpapatuloy pa ang ganitong mga inisyatibo, sinabi niya: “Talagang nakakatulong ‘yung mga programang ganito. Kung pwede lang po sana magtagal pa ito para maraming matulungan.”
Nagpahag din ng kaparehong saloobin si Ericka Cassandra Nichole Sarrot, 20, isang ika-apat na taong estudyante ng Bachelor of Science in Hospitality Management mula sa Dumaguete City.
Aniya, malaking ginhawa ang ₱20,000 na grant sa mga gastusin sa research, iba’t ibang bayarin sa paaralan, at mga medical requirement para sa OJT.
“Actually, this program helps a lot of students… as a graduating student, alam natin na marami talagang expenses… This program is really a big help talaga sa mga students,” ani Sarrot habang nagpapahayag ng taos-pusong pasasalamat sa Pangulo.
Isinusulong ng administrasyong Marcos ang SCPF kasama ang Local Government Support Fund (LGSF) upang mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga lokal na benepisyaryo. Nakatutok ang pamahalaan sa Negros Oriental upang matugunan ang mga hamong sosyo-ekonomiko tulad ng kahirapan, mga sakuna dala ng Bulkang Kanlaon at iba pang kalamidad, pati na rin ang mataas na attrition rate sa kolehiyo sa Negros Island Region kung saan 15.9 porsyento ng mga estudyante ang hindi nakapagtatapos sa taong-aralan 2024-2025.
Sa kabuuan, mayroong 2,785 Bagong Pilipinas Presidential Scholars sa buong Negros Oriental, kung saan limang iskolar ang nagmula sa bawat isa sa 557 barangay ng lalawigan.
Hanggang noong Agosto 14, ang SCPF-Bawat Barangay Makikinabang Program ay nakapaglabas na ng ₱200,000 sa bawat barangay sa lalawigan para sa kabuuang 38,279 barangays, kung saan humigit-kumulang ₱7.66 bilyon na ang naipamahagi.