Nagdala ng malaking ginhawa sa sektor ng agrikultura ang mga kamakailang pag-ulan sa bansa matapos nitong mapataas ang antas ng tubig sa mga pangunahing dam at maipagpatuloy ang suplay ng irigasyon sa mga palayan, ayon sa National Irrigation Administration (NIA) nitong Martes.
Sa isang press briefing sa Malacañang, binasa ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang pahayag ng NIA ukol sa magandang epekto ng ulan sa mga imbakan ng tubig sa kabila ng mga pagbaha sa ilang komunidad.
“Sa pangkalahatan, naging kapaki-pakinabang sa sektor ng irigasyon at agrikultura ang mga pag-ulan dahil nakatutulong ang mga ito sa muling pagpuno ng ating mga dam at reservoir,” pahayag ni Castro mula sa opisyal na ulat ng NIA.
P950K Metric Tons ng Palay, Inaasahan
Ayon sa NIA, ang karagdagang tubig sa Magat Dam ay sapat para magbigay ng irigasyon sa halos 90,000 hektaryang sakahan, habang ang Pantabangan Dam naman ay makatutulong sa humigit-kumulang 100,000 hektarya.
Inihayag ni Castro na ang naipong tubig sa dalawang malaking dam na ito ay katumbas ng humigit-kumulang 950,000 metric tons ng palay na may tinatayang halagang ₱25 bilyon.
| Dam | Sakop na Lupaing Sakahan (Hektarya) |
|---|---|
| Magat Dam | ~90,000 ha |
| Pantabangan Dam | ~100,000 ha |
Pagbawi mula sa El Niño at Pagbabantay sa mga Sakahan
Maituturing ding malaking tulong ang mga pag-ulan upang makabawi ang mga pananim sa Isabela at Cagayan na labis na naapektuhan ng nagdaang El Niño.
Sa paunang monitoring ng NIA, lumalabas na walang malawakang pinsala sa mga pananim na palay. Karamihan sa mga ito ay nasa vegetative stage pa lamang, kung kaya’t mas matatag ang mga ito sa matagalang pag-ulan kumpara sa mga palay na nasa yugto na ng pagbulaklak (flowering) o pagbuo ng butyl (grain formation).
Patuloy na binabantayan ng NIA ang lebel ng tubig sa mga dam, pangunahing pasilidad ng irigasyon, at mga sakahang threatened ng pagbaha. Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa mga irrigators’ associations at iba pang kaugnay na tanggapan upang matiyak ang ligtas at maayos na pamamahala sa supply ng tubig sa bansa.