Nagpapatayo ang Department of Agriculture (DA) ng pitong cold storage facility sa Cordillera Administrative Region (CAR). Lalo na sa panahon ng tag-ulan, layunin nitong maiwasan ang malawakang pagkabulok ng mga pananim at gulay sa rehiyon.
Inihayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing sa Malacañang matapos niyang basahin ang opisyal na pahayag ng DA.
“Each cold-storage is a 44-foot container, so marami itong matatago tuwing tag-ulan kagaya nito,” pahayag ni Castro batay sa ulat ng kagawaran.
Bilang bahagi naman ng pangmatagalang plano para sa taong 2027, iminungkahi ng DA ang pagpapatayo ng isang vegetable processing facility sa 1.5-ektaryang lupain sa La Trinidad, Benguet. Layon ng pasilidad na ito na magproseso ng mga gulay upang madagdagan ang halaga ng mga pananim at mapahaba ang shelf life ng mga ito.
Tugon sa Pagkalugi ng mga Magsasaka sa Benguet
Isinagawa ang pahayag ng Palasyo kasunod ng mga ulat ukol sa pagrereklamo at pagkalugi ng mga magsasaka sa Benguet dahil sa kawalan ng sapat na cold storage facilities. Dahil sa masamang panahon at mga naganap na landslide, nahirapan ang mga mamimili at traders na makarating sa mga trading post, na nagdulot ng pagkaantala sa transportasyon ng mga madaling mabulok na ani.
Upang maibsan ang epekto ng pagkaantala sa merkado, agad na kumilos ang regional office ng DA para tulungang maibenta at maipamahagi ang mga gulay sa labas ng rehiyon.
“Ang ginawa rin ng regional office ng DA ay tumulong para magdala, so tumulong din sila na magdala ng mga gulay sa Pampanga, Manila at Cavite,” paliwanag ni Castro. “About more or less mga 1.2 million ang nabenta na vegetables or gulay over this past week. At mino-monitor pa rin ng DA ang mga trading post para makita kung ano pang tulong ang maibibigay sa mga magsasaka.”
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DA sa mga lokal na trading post upang matiyak na maibibigay ang kinakailangang suporta sa mga magsasaka sa Gitnang Luzon at Cordillera.