Pabor ang prosecution panel na ilipat sa hapon ang schedule ng impeachment trial upang hindi maapektuhan ang legislative work ng Kamara at Senado.
Ayon kay prosecution adviser at spokesperson Robert Ace Barbers, mas mainam na magsimula ang paglilitis alas-3 ng hapon hanggang gabi para magamit ng mga mambabatas ang umaga sa session at committee hearings.
Bukas din aniya sila sa posibilidad na ilaan ang buong araw ng Biyernes para sa impeachment trial dahil wala namang regular na pasok sa dalawang kapulungan.
Layunin nitong mapabilis ang paglilitis at maiwasang umabot pa ito hanggang Pasko.
Sa panig naman ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan, mas mainam ang hapon dahil karamihan sa mga tao ay nasa trabaho o naghahatid-sundo ng mga anak tuwing umaga.
Binigyang-diin din ni Kapunan na hindi dapat napuputol ang testimonya ng isang testigo, lalo na kung hostile witness, dahil maaari itong ma-coach habang naka-break ang paglilitis.
Mas mainam aniyang tuloy-tuloy na maisagawa sa isang setting ang direct examination, cross-examination, redirect at recross-examination ng isang testigo.