Nagpahayag ng patuloy na suporta ang Malaysia sa peace process na isinasagawa sa Mindanao, kabilang na rito ang nakatakdang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa pagbisita ni Foreign Minister Datuk Seri Mohamad Hasan sa Pilipinas, sinabi nitong matagal na silang sumusuporta at nakikipagtulungan sa bansa para sa peace process.
Ngayong mas lumalalim pa ang mga hakbang para maisagawa ito, nangako ang Malaysia na mananatili itong suportado ang mga pagsisikap para sa kapayapaan, katatagan, at pagpapaunlad ng Mindanao.
Handa rin ang Malaysia na ibahagi ang kanilang karanasan sa halal economy at Islamic finance upang suportahan ang socioeconomic development ng BARMM.
Ipinahayag ito ng foreign minister sa 9th Philippines-Malaysia Joint Commission Meeting kasama si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro. Nagkasundo ang dalawang opisyal na ang kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM ay malaking ambag sa pagpapalakas at pagpapaunlad ng rehiyon.