Pinag-aaralan ng Philippine National Police (PNP) ang karagdagang mga hakbang sa kaligtasan sa paggamit at pag-iingat ng baril para sa mga nag-a-apply at nagre-renew ng permit sa armas.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez, Jr., pagtutuunan nito ang tamang pag-iingat ng mga baril at bala.
Tinitingnan din aniya ang posibilidad na gawing requirement ang seminar sa gun safety, hindi lamang sa pagkuha ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at pagpaparehistro ng baril, kundi maging sa renewal.
Aniya, bumabalik sa isyu ng accessibility sa mga armas ang mga insidenteng may kinalaman sa baril sa mga paaralan at komunidad, kaya dapat nakatuon doon ang interbensyon.
Inatasan na rin ng PNP chief ang Civil Security Group na bumuo ng updated na alituntunin para sa regular na seminar sa gun safety sa lahat ng rehistradong may-ari ng baril sa buong bansa.
Bukod dito, mas pinaigting din ng PNP ang kampanya laban sa mga loose firearms.