Ipinabatid ng kampo ni dating Cong. Michael Romero na nagbitiw at nagretiro na ito bilang reservist ng Philippine Air Force.
Batay sa kalatas na ipinadala ng kampo ni Romero sa Defense Press Corps, ipinadala na nito ang kaniyang letter of relinquishment of duties kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Antonio Nafarrete.
Ginawa ni Romero ang hakbang sa gitna ng mga puna at batikos sa mga medalya at badge sa kaniyang kuhang larawan kasama si Nafarrete nang makumpirma ng Commission on Appointments ang kanilang promosyon.
Si Romero ay reservist ng Philippine Air Force na may ranggong Brigadier General at Wing Commander ng Tactical Operations Wing Reserve Northern Luzon.
Nagpasalamat naman si Romero sa AFP dahil sa pagkakataong makapaglingkod sa bayan.
Epektibo ang retirement ni Romero sa AFP reserve force kahapon, August 19.