Isinama ni Leyte Representative Martin Romualdez sa kaniyang Supplemental Counter-Affidavit na inihain sa Ombudsman ngayong araw ang sinumpaang salaysay ng 25 dating drivers at security aides ni dating Representatives Zaldy Co.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, tagapagsalita ni Romualdez, kusang-loob na lumapit ang 25 dating aides upang pasinungalingan ang naunang mga pahayag ng “Maleta Boys” na kinakatawan ni Atty. Levito Baligod.
Isasama rin umano sa supplemental counter-affidavit ang bagong salaysay ni Orly Guteza na nag-recant sa nauna nitong pahayag.
Giit ni Fajardo, walang suhol, pananakot o anumang pangako mula sa kampo ni Romualdez kapalit ng salaysay ng mga dating aides ni Co.
Sinabi niyang noong nakaraang linggo ay isinumite na ng mga ito ang kanilang mga affidavit sa National Bureau of Investigation, Department of Justice, at Ombudsman.
Sa kanilang mga salaysay, itinanggi ng mga dating aides na may naganap na anumang delivery ng pera sa mga politiko o opisyal ng gobyerno, kabilang si Romualdez.
Sa halip, hinikayat umano silang sumali sa isang grupo ng mga testigo kapalit ng pera at may mga inihanda nang affidavit para sa kanila.
Ayon kay Fajardo, lumalabas na may mga taong nag-udyok at namilit sa mga testigo upang idawit si Romualdez sa kaso.
Naniniwala naman ang kampo ni Romualdez na sa isang patas na imbestigasyon ay mapatutunayang walang basehan ang mga akusasyon laban sa Leyte lawmaker.