Itinaas ng Department of Health (DOH) ang Code White Alert at mahigpit na mino-monitor ang posibleng pagtaas ng kaso ng leptospirosis matapos ang malawakang pagbaha na dala ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Ang Code White Alert ay nangangahulugan na nakahanda ang mga ospital na tumugon sa mga emergency. Kabilang dito ang mga general at orthopedic surgeon, anesthesiologist, internist, operating room nurse, ophthalmologist, at mga espesyalista sa mata, tainga, ilong at lalamunan.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, nakikipag-ugnayan din ang DOH sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Sapat ang supply ng gamot para tumugon sa pangangailangan ng mga ospital at lokal na pamahalaan,” — Castro.
Siniguro rin ng pamahalaan ang pananatiling operational ng mga pasilidad ng DOH, maging ang sapat na supply ng gamot at iba pang medical supplies sa mga apektadong Centers for Health Development (CHDs).
Aniya, nasa 3.1 milyong doxycycline capsules ang nakahanda sa DOH Central Office.
“Nakatutok din ang DOH, sa pangunguna ni Secretary Edwin Mercado, sa posibleng pagtaas ng kaso ng leptospirosis dulot ng malawakang pagbaha. Kaugnay nito, nananatiling operational at sapat ang supply ng mga pasilidad ng DOH habang nakataas ang Code White Alert sa mga apektadong centers for health development,” —Castro.