Nakapagtala ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng pinakamataas na partisipasyon ng kababaihan sa gobyerno sa kasaysayan ng bansa.
Ayon kay Nharleen Santos-Millar, focal point ng ASEAN Committee on Women Philippines at Executive Director ng Philippine Commission on Women, nalampasan na sa ilalim ng administrasyong Marcos ang antas ng partisipasyon ng kababaihan sa pamahalaan na naitala sa mga nakaraang administrasyon.
“Nung tinignan na namin ‘no? ‘Yung iba-ibang termino ng pangulo sa buong Pilipinas, I think President Marcos, siya na ‘yung pinakamataas na number of cabinet women. Una, dati si President [Benigno] Aquino [III], 22%. Now, with President Marcos, it’s 23%. So tumaas sa kaniya ‘no. Sa termino niya,” wika ni Santos-Millar.
Ibinahagi niya ito panayam ng Radyo Pilipinas sa pagtatapos ng 4th ASEAN Women Leaders’ Summit sa EDSA Shangri-La sa Mandaluyong City nitong Huwebes.
Binigyang-diin din ni Santos-Millar na bukas ang Pangulo sa posibilidad na madagdagan pa ang mga babaeng miyembro ng kanyang gabinete.
Samantala, sa kanyang opening message sa summit, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang partisipasyon ng kababaihan sa pamahalaan ay hindi lamang isang opsyon, kundi mahalagang bahagi ng pagsusulong ng seguridad, katatagan, at kaunlaran sa ASEAN region.