Inilagay sa angkop na intervention ng mga awtoridad ang isang 16-anyos na Child in Conflict with the Law (CICL) matapos masangkot sa insidente na may kinalaman sa baril sa Barangay Tambo, Parañaque City, Biyernes ng gabi ng October 2.
Ayon sa PNP Southern Police District (SPD), rumesponde ang Tambo Police Sub-Station sa ulat ng barangay hinggil sa isang pagtatalo na kinasasangkutan ng menor de edad at isa pang indibidwal.
Nabatid na tinangka umanong kunin ng bata ang isang baril na nakatago sa bulsa ng shorts ng nasabing indibidwal. Agad namang namagitan ang mga barangay tanod at nakuha ang armas bago pa ito magamit.
Dito ay nakumpiska ang isang caliber .22 revolver na walang serial number at limang bala. Lumalabas na nagsimula ang alitan dahil sa hindi pa nababayarang pustahan sa isang basketball game.
Dinala ang bata sa himpilan ng pulisya kasama ang kanyang ina at isinailalim sa mga prosesong naaayon sa Juvenile Justice and Welfare Act. Ini-refer ang kaso para sa karagdagang assessment at intervention, habang hindi naman nagsampa ng pormal na reklamo ang kabilang panig.
Paalala ng Southern Police District, mahalagang tiyaking hindi naaabot ng mga bata ang mga baril o armas upang maiwasan ang ano mang malalang insidente.