Inaantay na ng Malacañang ang opisyal na panukala ng Department of Education (DepEd) kaugnay ng “school-based approach” sa pagbabalik ng klase, kasunod ng sunod-sunod na suspension dulot ng masamang panahon.
Sa isang press briefing sa Palasyo noong Miyerkules, inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pinag-aaralan na ng DepEd, sa pamumuno ni Secretary Sonny Angara, ang mas nababagay na sistema batay sa aktwal na sitwasyon ng bawat paaralan at komunidad.
Binigyang-diin ng Palasyo na mas nais ng DepEd na maging nakabase sa lokal na kalagayan ang desisyon sa halip na magpatupad ng pangkalahatang suspension sa buong lalawigan, lungsod, o munisipalidad.
“Ayon sa DepEd, mas gusto nilang magkaroon ng flexible at nakabase sa actual situation ng bawat school at community, hindi iyong automatic na pare-pareho ang suspension sa buong province, city o municipality,” pahayag ni Castro.
Layunin ng panukala na maiwasan ang learning loss sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga ligtas at hindi apektadong paaralan na magbalik sa face-to-face classes, kahit may malawakang suspension sa kanilang sakop na lugar.
Isinusulong din ng DepEd ang pag-update sa Executive Order No. 66, series of 2012, na nagtatakda ng mga alituntunin sa suspension ng klase at trabaho tuwing may kalamidad. Isinasaalang-alang dito ang pagkakaiba-iba ng heograpiya at peligro sa bawat lugar.
“Kung safe, puwedeng mag-resume; kung hindi safe, suspended,” dagdag ni Castro.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na ang “school-based approach” ay hindi nangangahulugang magdedesisyon ang mga paaralan nang mag-isa. Kakailanganin pa rin ang pakikipagtulungan sa mga Local Government Unit (LGU), malinaw na safety assessment, mabilis na komunikasyon, at pananagutan.
Samantala, wala pang naipaparating na panukala sa Palasyo hinggil sa pagbabago ng school calendar. Para naman sa mga make-up class, patuloy na hinihimok ng DepEd ang mga alternatibong paraan ng pag-aaral tulad ng online classes upang hindi maantala ang edukasyon ng mga mag-aaral.