Kaisa ang House prosecution panel sa panawagan ng Bise Presidente na mapabilis ang paglilitis sa impeachment case, ayon kay Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr.
Gayunman, sinabi ni Tolosa na hindi dapat isakripisyo ang pagkakataon ng magkabilang panig na maiharap nang buo ang kanilang mga ebidensya at testigo, gayundin ang due process.
Aniya, ginagawa na ng prosekusyon ang bahagi nito para mapabilis ang paglilitis, kabilang ang pag-alis sa listahan ng ilang testigo na hindi na kinakailangang iharap dahil magiging paulit-ulit lamang ang kanilang testimonya.
Sinabi ni Tolosa na ganoon din ang kanilang gagawin sa usapin ng confidential funds upang maiwasan ang mga ebidensyang hindi naman kailangan.
Gayunman, hiniling niya sa defense team na iwasan din ang mga hakbang na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang delay sa paglilitis.
Binigyang-diin din ni prosecution spokesperson Zia Alonto Adiong na ang mabilis na disposisyon ng kaso ay maaaring makasabay sa due process, basta’t hindi makokompromiso ang paglalahad ng kaso, ebidensya at mga testigo ng kapwa prosecution at defense panels.