Kumpyansa ang legal counsel ni Leyte Rep. at dating Speaker Martin Romualdez na si Atty. Ade Fajardo na tuluyang madidismis ang mga kasong ipinupukol laban sa dating lider ng Kapulungan dahil sa matinding kakulangan ng ebidensya hinggil sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Nagsumite na ang legal team ni Romualdez sa Office of the Ombudsman ng kanilang supplemental affidavit.
Nilalaman nito ang sworn statements ng 25 dating driver at security aide ng dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co—ang dating Appropriations Chair noong 19th Congress.
Ayon kay Fajardo, dating Presidente ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), salat at walang matibay na ebidensya sa reklamo ng Office of the Ombudsman.
Binigyang-diin pa nitong ang pabago-bagong testimonya at ang pag-atras o pag-recant ng mga pahayag ng mga saksi ay sapat na dahilan para ideklarang walang basehan at tuluyang idismis ang kaso laban kay Romualdez.