Maituturing na “unreliable” o “polluted” ang pahayag ng isang testigo kung babawiin nito ang kaniyang sinumpaang salaysay sa korte dahil masisira na ang kredibilidad nito.
Ito ang naging pahayag ni 1Sambayan Convenor, Attorney Howard Calleja, matapos bawiin ni Orly Guteza, dating bodyguard ni Ex-Congressman Zaldy Co, ang mga salaysay nito kaugnay sa mga personalidad na kabilang sa flood control scandal.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Calleja, sinabi nito na hindi na kapani-paniwala ang mga sasabihin ni Guteza kung gagawin pa muli itong testigo dahil nagawa na nitong magsinungaling at mahirap nang matukoy kung magsasabi pa ito ng totoo.
Aniya, ang dapat tingnan ng korte ay ang mga ebidensya na naipresinta ng mga reliable witness at ituon sa totoong mga isyu na kinahaharap ng bansa dahil tila nililihis ng recantation ni Guteza ang mga pagdinig sa kaso sa flood control, maging ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Dagdag pa ni Calleja, maraming mga naging paglabag si Guteza bilang isang testigo at maaari itong sampahan ng mga karampatang kaso.