Inihayag ni Lanao Del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na ang pagbawi ng pahayag (recantation) ni Orly Guteza at ng ilan pang tinaguriang “Maleta Boys” ay mismong sumisira sa kanilang mga dating akusasyon ng cash deliveries.
Ito ang inihayag ni Adiong matapos tuluyang iatras ni Guteza—ang nagpakilalang dating security aide ni former Cong. Zaldy Co—ang kanyang mga salaysay laban kay dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez at iba pang mambabatas.
Ayon kay Adiong, ang mismong pagbaligtad ng mga testigo ay nag-iiwan ng malaking mantsa sa kredibilidad ng kanilang orihinal na salaysay.
Sa kanyang bagong affidavit, inamin ni Guteza na wala siyang direktang kaalaman sa mga sinasabing paghahatid ng pera. Isiniwalat pa niyang pinangakuan lamang siya nina Sen. Rodante Marcoleta at dating Congressman Mike Defensor ng ₱150 milyon at iskolarsip para sa kanyang mga anak kapalit ng pagsasalita noong Setyembre 2025.
Giit ni Adiong, maaaring kinakain na ng konsensya ang mga testigo dahil wala namang katotohanan o ebidensya ang kanilang mga ibinintang.
Nilinaw naman ng mambabatas na ang Office of the Ombudsman ang pinal na magpapasya sa legal na epekto ng mga pagbawi na ito sa nagpapatuloy na imbestigasyon.