Hinihimok ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang Kongreso na tuluyang baguhin o ioverhaul ang 31-taong charter ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon sa mambabatas, malawak ang responsibilidad ng MMDA sa mga problema sa trapiko, pagbaha, at basura sa Metro Manila, ngunit nananatiling magulo at hati-hati ang kapangyarihan sa pagitan ng ahensya, mga lokal na pamahalaan (LGU), at mga pambansang ahensya.
Ipinunto ni Chua ang Republic Act No. 7924, kung saan itinatakda sa Section 2 ang planning, monitoring, coordination at supervisory functions ng MMDA ngunit binabanggit din ang pagrespeto sa autonomy ng mga LGU sa “purely local matters.”
Sa ilalim ng RA 7924, ang MMDA ang may hawak sa flood control at drainage system. Subalit sa Section 9, ipinapahintulot na ang mga proyekto ay ipatupad ng LGU, national government, o ng MMDA mismo.
Binigyang-diin din ng mambabatas ang overlap ng tungkulin sa solid waste management. Pati ang pamamahala sa trapiko ay ipinagkakaloob sa MMDA, ngunit ang mga pangunahing kalsada, pampublikong ruta, at terminal ay hawak pa rin ng iba’t-ibang ahensya at LGU.
Dagdag pa ng Manila solon, ang mas malinaw ngayon, kailangan ng Metro Manila ng isang malakas na institusyong tututok sa mga problemang hindi kayang resolbahin ng isang lungsod lang.