Photo courtesy of Representative Mark Anthony Santos Facebook
Hinimok ni House Committee on Dangerous Drugs Chair Mark Anthony Santos ang Philippine National Police (PNP) na magpatupad ng personnel rotation sa mga tauhang nakatalaga sa aviation units.
Kasunod ito ng pagbusisi ng mga mambabatas sa papel ni Police Executive Master Sergeant Aileen Jayne Manalo Mendoza sa umano’y pag-aayos ng hangar para sa eroplanong magdadala sana ng 521 kilo ng shabu mula Laos patungong Pilipinas.
Kinuwestiyon naman ni Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima kung anong awtoridad ang mayroon si Mendoza para makialam sa mga pagsasaayos ng hangar at landing ng pribadong eroplano.
Ayon sa PNP, matagal nang nakatalaga si Mendoza sa aviation unit at marami na rin itong kakilala.
Dahil dito, iginiit ni Santos ang pangangailangang repasuhin ang sistema ng personnel rotation at access sa mga paliparan.
Kinumpirma ng PNP na naka-relieve na sa puwesto at nasa restrictive custody si Mendoza.
Patuloy din ang imbestigasyon sa kanyang mga nakatataas at iba pang posibleng sangkot sa pag-aayos ng charter ng eroplano.