Pinayuhan ni dating Quad Comm lead chair at ngayon ay House prosecution adviser Ace Barbers ang mga awtoridad na imbestigahan ang ulat na posibleng pondohan ng mga natitirang illegal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ang mga kandidato sa 2028 elections kapalit ng political protection.
Kasunod ito ng babala ni PAOCC Spokesperson Winston Casio na maaaring gamitin ang pera mula sa POGO upang impluwensiyahan ang mga pulitiko at halalan.
Ayon kay Barbers, kailangang magsagawa ng magkatuwang na intelligence at financial investigation ang mga otoridad upang matukoy ang mga financier, middleman, at posibleng kasabwat sa pamahalaan.
Hinimok niya ang Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Armed Forces of the Philippines, Presidential Anti-Organized Crime Commission, Anti-Money Laundering Council, at Commission on Elections na pagtulungang subaybayan ang mga kahina-hinalang transaksiyon at posibleng koneksiyon ng mga ito sa pagpopondo sa kampanya.
Mahalaga naman aniya na may matibay na ebidensiya ang anumang ugnayan ng mga ilegal na operasyon, kriminal na pondo, at proteksiyong politikal bago magsampa ng kaso.
Hinamon din niya ang mga kandidato sa pambansa at lokal na halalan na tanggihan ang pondong nagmumula sa krimen at hayagang itakwil ang ilegal na POGO.