Nagtipon-tipon sa isang mapayapang rally ang mga local pork producer sa harap ng Department of Agriculture o DA sa Quezon City para manawagan ng agarang aksyon laban sa pagdami ng imported na baboy, na anila’y nagdudulot ng sobrang suplay, pagbaba ng presyo sa farmgate, at pagkalugi ng industriya.
Pinangunahan ng Pork Producers Federation of the Philippines o ProPork, Philippine Pork Council Alliance, at Agricultural Sector Alliance of the Philippines o AGAP Party-list ang panawagang ibalik ang dating taripa sa imported pork at pansamantalang ihinto ang pag-aangkat nito.
Ayon sa mga grupo, patuloy na bumababa ang farmgate price ng baboy mula July 2025 at nasa average na P135 kada kilo ng liveweight sa buong bansa.
Dahil dito, hirit ng grupo na ibalik agad ang dating taripa na 30% para sa in-quota imports at 40% para sa out-quota imports.
Nanawagan din silang ihinto ang pag-aangkat, suspendihin ang pag-isyu ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances o SPSICs, at pag-aralan ang pagkansela sa mga nauna nang naisyung clearance kung pinahihintulutan ng batas.
Ayon kay Nicanor Briones, kinatawan ng AGAP Party-list at chairman ng ProPork, hindi na lamang ito usapin ng mababang presyo ng baboy kundi ng kabuhayan ng mga producer, kanilang mga pamilya, manggagawa, at komunidad.