Hinimok ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan na pabilisin ang pag-deploy ng mga mobile water treatment system upang matugunan ang kakulangan sa malinis na inuming tubig dulot ng El Niño.
Ayon kay Ordanes, mahalagang matiyak ang sapat at ligtas na suplay ng tubig para sa lahat, lalo na ngayong tumitindi ang epekto ng tagtuyot.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 109 na lokalidad na ang nagdeklara ng State of Calamity dahil sa El Niño.
Iminungkahi ng mambabatas ang paggamit ng maliliit na desalination system sa mga baybayin at isla, gayundin ng mga mobile water filtration facility sa mga lugar na may angkop na pinagkukunan ng tubig-tabang.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang inisyatiba ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte na naglaan ng ₱8.5 milyong piso para sa pagbili ng mobile seawater reverse-osmosis at water filtration system.