Nakahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapatuloy ng ‘escalation’ o mas malalang tensyon sa West Philippine Sea hanggang 2028.
Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, nabigyan na ng briefing ang mga sundalong naka-deploy sa karagatan at alam na nila ang gagawin.
Ginawa ni Trinidad ang pahayag matapos ang sunod-sunod na insidente sa maritime features ng bansa sa WPS gaya ng paglapit ng Chinese Militia sa Kota Island, presensya ng Chinese Research Vessel at iba pang barko sa Bajo de Masinloc at ‘imbentong naratibo’ sa Ayungin Shoal.
Una nang nagbabala ang opisyal sa naturang escalation sa maritime domain, maging sa internal affairs ng Pilipinas sa pamamagitan ng Foreign Malign Influence.
Samantala, sinabi pa ni Trinidad na suportado ng AFP ang anumang hakbang ng pamahalan na may kaugnayan sa kalayaan sa paglalayag, karapatan, at soberanya sa West Philippine Sea.
Sa gitna ito ng mga panawagan na ideklarang “Persona Non Grata”” si Chinese Ambassador Jing Quan.