Inaasahang dodoble pa ang mga daragsa sa San Juan City Cemetery para doon gunitain ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay ngayong UNDAS 2026.
Ito ang inihayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora matapos ang isinagawa niyang pag-iinspeksyon sa naturang sementeryo kahapon.
Ayon kay Zamora, inaasahang papalo sa 60,000 ang daragsa sa San Juan City Public Cemetery ngayong taon kung saan, tinatayang aabot sa 35,000 rito ang maitatala sa mismong UNDAS sa November 1.
Inanunsyo naman ng alkalde na palalawigin ang operasyon ng sementeryo mula October 26 hanggang November 2.
Kasunod nito, patuloy na pinaalalahanan ng San Juan LGU ang mga pupunta sa sementeryo sa mismong UNDAS na bawal ipasok ang baril, matatalas na bagay, iligal na droga, maiingay na bagay, pagtitinda ng walang permit, at bisikleta o motorsiklo.
Samantala, maglalabas din ng kautusan si Zamora na nagpapaluwag sa No Contact Apprehension Policy sa tapat ng sementeryo.
Itinuturing kasing major thoroughfare at bahagi ng Mabuhay Lane ang Boni Serrano na nagdurugtong sa sementeryo at Kampo Crame hanggang sa makalabas ng EDSA.
Pero nang tanungin kung ipatutupad din ito sa iba pang lugar sa NCR bilang Pangulo ng Metro Manila Council, sinabi ni Zamora na ipinauubaya na niya ito sa Metro Mayors.
