Itinuturing ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na “badge of honor” ang pag-ban ng China sa ilang opisyal ng Pilipinas na indikasyon umano ng epektibong pagtatanggol ng bansa sa mga teritoryo nito.
Ayon kay AFP Spokesperson for the West Philippine Sea retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na isa itong testimonya na nararamdaman ng China ang mga inisyatiba ng pamahalaan sa West Philippine Sea at sa pinaiiral na transparency initiative.
Pagdating naman sa isyu ng pagdedeklara kay Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan bilang persona non-grata ay nakasalalay umano ito sa desisyon ng ehekutibo at handa naman nilang suportahan anuman ang maging desisyon ng pamahalaan.
Ani Trinidad, mas kahiya-hiya kung mananahimik na lang ang bansa at tatanggapin ang mga pambu-bully, pamba-batikos at pagpapakalat ng fake news ng China.
Senyales lang din ito na lahat ng opisyal na pinapatawan ng sanction ng China ay ang mga opisyal na totoong may nagagawa at tumitindig para sa kapakanan at soberanya ng bansa.