Kasama ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa mga hakbang upang mapalakas ang paghahanda ng bansa sa inaasahang epekto ng “very strong El Niño,” sa pamamagitan ng pagpapasimple ng proseso para sa mga proyektong pang-imprastraktura sa tubig.
Sa closing ng 11th Meeting of the ASEAN-OECD Good Regulatory Practices Network, sinabi ni ARTA Director General Ernesto Perez na kasalukuyang sinusuri ng Office of the President ang panukalang pagpapasimple sa permitting process para sa pagtatayo, pagkukumpuni at pagpapanatili ng mga water infrastructure project.
Layunin nitong alisin ang mga hindi na kailangang requirement ng mga lokal na pamahalaan, mapabilis ang pagpapatupad ng mga proyekto, at mahikayat ang mas maraming mamumuhunan sa water infrastructure.
Ayon kay Perez, mahalaga ang pakikipagtulungan ng mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang maisulong ang mga hakbang na ito.
