Mariing kinondena ni Senate Committee on Justice and Human Rights Chairman Senador Kiko Pangilinan ang pagpaslang kay Isabela City Regional Trial Court Branch 2 Judge Joseph Wee Sit, kasabay ng panawagang agad imbestigahan ang krimen at papanagutin ang lahat ng nasa likod nito.
Ayon kay Pangilinan, 38 years old pa lang ang hukom at magdiriwang pa sana ng ika-39 na kaarawan sa November 21.
Mahigit isang taon pa lang rin aniya ito sa hudikatura.
Sinabi ng senador na hindi lang kalayaan at tungkulin ng hudikatura na itaguyod ang katarungan ang inaatake sa naturang krimen, kundi pati ang karapatan ng mga ordinaryong Pilipino na makamit ang hustisya nang walang takot.
Dahil dito, nanawagan ang senador sa mga otoridad na tukuyin, arestuhin at papanagutin hindi lang ang mga bumaril kundi pati ang sinumang nag-utos, nagpondo o tumulong sa pagpaslang.
Hinimok din ni Pangilinan ang ganap na pagpapatupad ng Judiciary Marshals Act na ipinasa noong 2022.
Babala ng senador, kapag hindi nalutas ang kaso, lalo lang titindi ang paniniwala ng publiko na bulok ang sistema ng hustisya sa bansa at walang sinumang ligtas sa karahasan, maging ang mga judges. | ulat ni Nimfa Asuncion