Tumagal ng wala pang tatlong oras ang day 43 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na nagtapos sa pag-atras ng depensa sa lahat ng 16 na nakatakdang bank witnesses at pagpapaliban ng susunod na trial hanggang matapos ang ASEAN Summit.
Pinagbigyan ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang kahilingan ng depensa na kanselahin ang sesyon ngayong Biyernes. Ayon kay lead defense counsel Atty. Sheila Sison, nasa walo hanggang 10 pa ang natitirang testigo na iprepresenta nila.
Hindi na rin tinuloy ang pagtestigo ni BPI Senior Vice President Atty. Paul Roderick Ysmael matapos sabihin ng depensa na napatunayan nang authentic ang liham na ipinadala nito sa bangko tungkol sa mga account ng bise presidente at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Sa halip, dalawang testigo ang iniharap ng depensa nitong Huwebes para ipaliwanag ang mga credit card transaction na kinuwestiyon noon ng prosecution expert witness na si Atty. Alexander Cabrera.
Ipinaliwanag ni Atty. Anel Antero ang higit ₱200,000 na ginastos sa pagkain sa Japan, kung saan kasama aniya niya si Carpio at 10 nilang kaibigan sa law school. Sinabi ni Antero na nagbayad siya ng 40,000 Japanese yen o katumbas ng humigit-kumulang ₱16,000 bilang bahagi niya sa bill.
Gayunman, hindi siya nakapagpakita ng dokumento o online record na magpapatunay sa kanyang naging ambag. Kinuwestiyon din ng prosecution ang kanyang kredibilidad kung saan lumabas na malapit siyang kaibigan ng mag-asawang Duterte-Carpio at tumatanggap ng bayad mula sa mga ito para sa legal services.
Samantala, ipinaliwanag naman ng testigong si Chadrin Parian ang higit ₱256,000 na pagbili ni Carpio ng Nike shoes sa Malaysia para sa mga batang miyembro ng Elite Philippines youth basketball team at kanilang mga magulang matapos manalo sa isang torneo.
Hindi naman nagbigay si Parian ng diretsang sagot nang tanungin kung naaayon ba sa Code of Conduct for Public Officials and Employees ang naturang pagbili, na para sa prosekusyon ay marangyang paggastos ng mag-asawa.