Hinimok ni Manila Rep. Joel Chua ang publiko na idulog sa tamang tanggapan ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y pagmamay-ari ng mamahaling sasakyan ng ilang kongresista upang matukoy kung may iregularidad.
Kasunod ito ng pahayag ni Senator-Judge Robin Padilla na silipin kung totoong may ₱16-22 million na halaga ng sasakyan ang mga miyembro ng Kamara.
Sa press conference ng House prosecution panel, sinabi ni Chua na maaaring magsampa ng reklamo sa House Committee on Ethics kung may nakikitang paglabag ang sinumang mambabatas.
Aniya, may mga mekanismo ang Kamara upang imbestigahan ang mga ganitong reklamo.
Gayunman, nilinaw ni Chua na ang kasalukuyang impeachment trial ay nakatuon sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte at hindi sa pamumuhay ng mga senador o kongresista.
Binigyang-diin niya na kung may nakikitang maling gawain ang publiko, walang pumipigil sa kanilang magsampa ng reklamo sa Ethics Committee o sa iba pang kinauukulang tanggapan.