Sumampa na sa P1 bilyon ang halaga ng tulong na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga komunidad na naapektuhan ng mga sunod-sunod na kalamidad at Habagat.
Batay sa pinakahuling tala ng DSWD, nakapagpamahagi na ito ng 1.4 milyong Family Food Packs (FFPs), mahigit 21,000 Ready-to-Eat Food packs, at 13,000 non-food items sa mga apektadong lugar.
Sinimulan na rin ang ahensya ang mamahagi ng cash assistance lalo sa mga pamilyang lubos na naapektuhan ng pagbaha. Kabilang sa nakatanggap nito ang mga residente ng Brgy. Calumpang sa Calumpit Bulacan na nalubog sa baha.
Aabot sa P10,000 cash assistance ang natanggap ng bawat pamilyang apektado para may pantustos sila sa kanilang mga pangunahing pangangailangan habang hindi pa humuhupa ang baha.
Sa kasalukuyan, nananatili namang nakahanda ang P4.5 bilyong standby funds ng DSWD at mahigit 4 milyong Family Food Packs na nakaimbak sa iba’t ibang bodega sa buong bansa.