Nanawagan si Solid North Party-list Representative Ching Bernos na agad magtipon ang mga higher education institution upang talakayin ang paggamit ng artificial intelligence (AI) ng mga estudyante.
Ayon kay Bernos, kailangang masagot agad kung dapat bang ipagbawal o payagan ang paggamit ng AI sa mga paaralan.
Sinabi niyang nananatili ang AI kaya dapat ihanda ang mga estudyante sa paggamit nito bilang bahagi ng kanilang pag-aaral at paghahanda sa trabaho.
Gayunman, iginiit niyang kailangang balansehin ang paggamit ng teknolohiya at ang pagpapaunlad ng kritikal na pag-iisip at intellectual rigor ng mga mag-aaral.
Ang panawagan ng mambabatas ay kasunod ng bagong polisiya ng University of the Philippines College of Law na naglilimita sa paggamit ng AI at digital devices sa mga onsite first-year Juris Doctor core classes.
Ito ay matapos maobserbahan ang pagbaba ng kalidad ng mga argumento ng mga estudyanteng regular na gumagamit ng AI.
Giit ni Bernos, kailangang pag-usapan at aksyunan agad ang isyu upang hindi maiwan ang mga estudyante sa mabilis na pagbabago sa teknolohiya at employment landscape.