Photo courtesy of DepEd
Bilang suporta sa direktiba ni Education Secretary Sonny Angara, nagkaisa ang mga pamayanan ng paaralan sa ilalim ng Department of Education (DepEd) Zamboanga City na palakasin ang kanilang shared governance network at lokal na pakikipag-ugnayan para patatagin ang seguridad sa kampus at tiyakin ang kapakanan ng mga mag-aaral at guro, kasunod ng naganap na karahasan sa isang paaralan sa lungsod kamakailan.
Isinagawa ang pinalakas na pagtugon na ito kasunod ng pagbisita ni Secretary Angara sa Ateneo de Zamboanga University noong Miyerkules upang magpaabot ng suporta at suriin ang mga usaping pangkaligtasan.
Sa isang pagpupulong pagkatapos nito noong Huwebes, nakipagpulong si DepEd Region IX Regional Director Ronelo Al Firmo sa mga pinuno ng paaralan upang muling ipunto ang utos ni Secretary Angara na higpitan ang mga security protocol habang binibigyang-halaga rin ang mental health at psychosocial welfare ng mga mag-aaral at kawani.
“Hindi natin hahayaang malagay sa panganib ang ating mga mag-aaral. Under the mandate of President Bongbong Marcos, our top priority is to make our schools safe havens for learning,” nauna nang pinahayag ni Angara. “Kaya lalo nating hihigpitan ang koordinasyon sa ating mga partner at stakeholder—from local officials to law enforcement—to ensure that our children can learn without fear.”
Noong Huwebes, bumisita rin sa Ateneo de Zamboanga University sina Cabinet Secretary Benhur Abalos at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor Remulla upang palakasin ang koordinasyon at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya.
Iginiit din ni Regional Director Firmo ang kahalagahan ng sama-samang pamamahala kasama ang mga magulang, lokal na pamahalaan, kapulisan at mga katuwang sa komunidad para pagtibayin ang mga hakbang pangseguridad sa loob ng mga paaralan.
Ilan sa mga ipinapatupad na hakbang ay ang maagang pagsubaybay sa mga banta, pinaigting na police visibility sa paligid ng mga paaralan, mas mahigpit na campus access control, at paglalagay ng mga metal detector, alinsunod sa DepEd Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE) at mga child protection policy.
Personal ding binisita ni Firmo ang Maria Clara L. Lobregat National High School (MCLNHS) matapos makatanggap ang paaralan ng online threat, upang tiyakin ang agarang intervention kasama ang mga opisyal ng paaralan, mga sangkot na mag-aaral, at kanilang mga magulang.
Mahigpit na nagbabala ang DepEd laban sa mga prank o gawa-gawang banta sa seguridad ng paaralan at pagpapakalat ng hindi beripikadong balita, habang binigyang-diin na ang mga ganitong iresponsableng aksyon ay lumilikha ng pangamba, nakakaabala sa pag-aaral, at may kaukulang mabigat na parusang legal.
Nanawagan din ang Kagawaran sa mga magulang, tagapangalaga, at mga may-ari ng baril na tiyakin ang ligtas na pagtatago ng mga armas sa tahanan upang hindi ito mapasakamay ng mga kabataan at matiyak ang proteksyon ng mga bata sa bahay man o sa paaralan.
Nagpahayag ng buong suporta ang mga pinuno ng paaralan sa Zamboanga City para sa mga security protocol at pagbubuo ng supportive learning environments.
Binigyang-halaga ni Eileen Pearl P. Aca-ac, Principal III ng Lumbangan Integrated School, ang pangangailangan para sa mas mataas na antas ng pagbabantay. “As a school principal, it’s an eye-opener that we have to double our efforts to secure our learners, and we have to be cognizant that if we see even a small problem, we already have to take action on that before they escalate,” pahayag ni Aca-ac.
Inihayag naman ni Raymond Zapanta, Principal II ng Lunzuran Elementary School, na ang kaligtasan ay pundasyon ng edukasyon. “We are reminded that a safe and supportive environment is a fundamental requirement for effective learning. We must continue strengthening our system for prevention, preparedness, child protection, and the overall wellbeing of our learners and teachers,” dagdag ni Zapanta.
Tinalakay naman ni Maribel F. Bernardo, Principal II ng Maasin Integrated School, ang kahalagahan ng pagtutulungan sa komunidad at emotional care. “We have open communication with parents, other stakeholders, and police stations to help us in case of an emergency. In the classroom, teachers give activities that are aligned with their lesson to check on the learners’ emotional state,” wika ni Bernardo.
Bilang tugon sa insidente, agad na nagpadala ang DepEd ng mga tauhan upang magbigay ng Psychological First Aid (PFA) at psychosocial support sa mga naapektuhang mag-aaral, magulang, at guro sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) sa ilalim ng whole-of-nation approach.
Sa pamamagitan ng patuloy na ugnayan, nananatiling matatag ang DepEd sa pagpapatupad ng mga komprehensibong hakbang upang protektahan ang mga pamayanan ng paaralan sa buong bansa. | Press Release from Department of Education